Sa mga panahong wala pang mga taong lobo, nabubuhay ang mga bampira
bilang tagapangalaga ng sangkatauhan. Binigyan sila ng kakaibang lakas
at bilis, kasama na rin doon ang kanilang pagiging imortal. Ang kanilang
ginagampanang tungkulin ay ang pagpuksa sa mga masasamang tao sa
pamamagitan ng pag inom ng mga dugo nito.
Ilang libong taon na
ganito ang naging kalakaran hanggang sa may isang bampira na bumago ng
lahat. Siya ay si Seth. Naisip niya na kahit kailan ay hindi nila
kailangang paglingkuran ang mga mahihinang nilalang na tinatawag na tao.
Dahil sa mas malakas siya sa mga kapwa niya bampira, nagawa niyang
patayin ang sino mang tututol sa kanyang kagustuhan.
Si Seth ay
may itinuturing na kapatid, ito ay si Ceres. Tulad niya ay malakas din
ito. Kahit pa alam niyang hindi nito sinasang ayunan ang kanyang
paniniwala, hindi rin naman siya nakakarinig ng pagtutol mula dito kaya
hindi niya ito itinuturing na kaaway.
Sa bawat buwan, inaalayan
silang magkapatid ng mga tao. Ang dugo ng mga alay na ito ang kanilang
iniinom. Isang beses, napansin ni Seth na mas marami ang hinihiling na
alay ni Ceres kesa sa kanya. Naisip niya na baka nagpapalakas ito at
baka siya ay kalabanin nito kahit na anong oras. Dahil likas siyang
maingat, hindi muna niya ipinakita na may napapansin siyang kakaiba
dito, bagkus ay lihim na lang niya itong inobserbahan.
Sa isang
pagkakataon na si Ceres ay tumanggap ng alay, lihim niyang pinanood ito.
Napag alaman niyang hindi pala nito pinapatay ang mga alay sa kanya.
Ang bawat isang alay ay iniinunan nga niya ng dugo ngunit kaunti lang,
pagkatapos ay pinapatakas pala niya ito. Hindi maganda ang naging tingin
ni Seth sa mga pangyayari, kaya noon din ay napagdesisyunan niyang
ituring si Ceres bilang kaaway.
Inatake niya ito noong oras ding
iyon. Hindi naman nakahanda si Ceres kaya nasugatan siya ng malalim ni
Seth. Walang naging pagpipilian si Ceres kundi ang tumakbo at magtago.
Kasama
ang kanyang alagang lobo, tumakbo ng tumakbo si Ceres hanggang sa halos
mawalan na siya ng malay. Malalim ang pagkakabaon ng espadang pilak sa
kanya at pakiramdam niya at malapit na ang kanyang katapusan.
Nagsisimula nang magdilim ang kanyang paningin ng naramdaman niyang may
humugot sa espada mula sa kanyang dibdib. Inilapit ng kanyang
tagapagligtas ang mukha nito sa kanya.
"Alam kong wala pa sa plano mo ang mamatay, ako man ay ganoon din. Gusto mo bang tulungan kita?"
Madumi
ito at talaga namang mukhang gusgusin, ngunit naramdaman ni Ceres ang
kakaibang kapangyarihan na tinataglay nito. Tiningnan niya ito sa mata.
"Kung
sasabihin kong oo, ano naman ang kapalit?" Pilit niyang nilalabanan ang
matinding tukso na nag aaya sa kanya na sumuko at mamatay na lamang.
"Ibibigay
ko sa iyo ang pangalawang buhay, kapalit ng pagiging imortal mo."
Ngumiti pa ito at lumabas ang mga nangingitim na ngipin nito.
"Gagawin mo akong tao?" Sana naman ay matapos na ang usapang ito... Tama na ang sakit na nararamdaman ko.
"Masasayang
ang pagliligtas ko sa iyo kung gagawin lang kitang tao. Bibigyan kita
ng kakayahang labanan ang iyong kapatid sa pamamagitan ng pagpapalit ng
iyong anyo." Mabilis ang paglabas ng dugo mula sa kanyang dibdib at
nahihirapan na siyang huminga. Mahirap paghilumin ang sugat pag
nakarating na sa puso. Mahinang tango na lang ang naisagot ni Ceres sa
kanyang tagapagligtas.
Nagsimula itong magsasayaw at
magpapalahaw. Ang kanyang alagang lobo ay nahiga lang sa kanyang tabi
habang ang matandang babae ay umiikot sa kanila. Pinanood lang ng lobo
ang matanda, tila ba iniintindi ang ginagawa nito. Nagliwanag ang
katawan ng matanda at bumata ang itsura nito. Ang madungis na anyo ay
napaltan ng kakaibang kagandahan. Si Ceres naman ay nararamdaman ang
sarili na lumulutang, umiikot, umiikot ng mabilis na mabilis hanggang sa
hindi na niya makita ang paligid sa bilis, hanggang sa huminto ang
lahat, pati ang paghangin sa paligid.
Nakita ni Ceres ang
sariling katawan ay hindi na sa tao kundi sa isang lobo. Naluha siya at
naisip na ito na pala ang kapalit ng kagustuhan niyang mabuhay.
"Huwag
kang mag alala. Babalik ka rin sa dati mong anyo. Ngayon ka lang ganyan
dahil sa unang palit balat mo. Nangangako akong babantayan kita panay,
anak ko."
Nagtatanong ang mga mata ni Ceres ng tingnan niya ang babaeng kausap niya.
"Nagmula
sa galit ko sa mga tao ang paglikha ko sa mga bampira. Pinabayaan lang
akong gawin ang mga bampira dahil sinabi kong magiging tagapag tanggol
sila ng mga tao, ngunit ang katotohanan, nais kong gumawa ng isang
nilalang na papatay sa mga taong masasama, hanggang sa maubos ang mga
tao sa mundo, dahil sa ang paniwala ko, ang lahat ng tao ay may
potensyal na maging masama. Sa ginawa kong iyon, naubos ang aking lakas.
Noong una, inisip ko na tama ang aking ginawa, ngunit huli na ng
gustuhin kong bawiin ang pagkakagwa ko sa mga bampira. Wala na akong
lakas na natitira upang maging posible iyon. Ang pagliligtas kong ito
sa iyo na lang ang tanging paraan upang maiayos ko ang lahat."
"Ngayong
kinuha ko ang iyong imortalidad, binigyan naman kita ng kakayahang
magkaroon ng anak sa isang tao. Kasama rin ng pagkuha ko ng bagay na
iyon sa iyo ay ang isang pangako na darating ang panahon na matatapos
din ang kaguluhang ito. Kapag ako ay nawala, tawagin mo na lang akong
Inang Buwan." Hinawakan niya ang pisngi ng lobo at nagliwanag ng
maliwanag na maliwanag. Halos mabulag si Ceres sa sobrang liwanag at
biglang naglaho ito.
Tumingala siya sa langit at nakita niya ang
isang liwanag na nasa kalangitan. "Inang Buwan..." naiusal ni Ceres sa
kanyang sarili...
No comments:
Post a Comment